Inihain ni Manila Rep. Bienvenido Abante ang House Bill 5717 o “The Heterosexual Act of 2022” na layuning kilalanin at protektahan ang karapatan ng mga heterosexual.
Paliwanag ni Abante, kung isinusulong ng LGBTQI community ang legislated rights at state protection para sa kanilang hanay ay dapat isulong at kilalanin din ang karapatan ng mga heterosexual.
Nakapaloob sa panukala ang karapatan ng heterosexuals na kalayaan sa paghayag ng paniniwalang pangrelihiyon at saloobin patungkol sa homosexuality.
Sa ilalim ng panukala, ang sinumang hahadlang sa naturang mga karapatan ay makukulong ng lima hanggang pitong taon at pagmumultahin ng P100,000 hanggang P200,000.
Kapag ang lumabag ay isang public official, aalisin ito sa trabaho at habambuhay ng pagbabawalan na humawak ng anumang posisyon sa gobyerno.
Ang nabanggit na panukala ay umaayon sa adbokasiya ni Abante na respetuhin ang paniniwala at opinyon ng sinuman gayundin ang pagsusulong sa pagkakapantay- pantay at karapatang pantao ng lahat.