Nakatawid na sa ikalawang pagbasa ng Mababang Kapulungan ang House Bill 4479, na mag-aamyenda sa Article 135 ng Labor Code upang pagbawalan ang mga employer na magpatupad ng diskriminasyon sa mga babaeng empleyado o aplikante sa trabaho.
Sa ilalim ng panukala ay pinagbabawalan ang mga employer na huwag tumanggap ng babaeng empleyado, bawal din silang pagkaitan ng promosyon, training opportunity, at scholarship grant.
Base sa panukala, hindi rin pwedeng unahin sa retrenchment ang mga babaeng empleyado o hindi sila bigyan ng benepisyo dahil sa pagiging babae.
Giit ni Calamba City Rep. Charisse Anne Hernandez, na siyang may-akda ng panukala, kayang magtrabaho ng mga babae gaya ng lalaki.
Kapag naisabatas, ang mga lalabag dito ay pagmumultahin ng P50,000 hanggang P200,000 at kulong na isa hanggang dalawang taon.
Pwede rin silang sampahan ng kasong civil ng isang babaeng empleyado para makuha ang suweldo o benepisyo na ipinagkait sa kanya.