Aprubado na ng House Committee on Appropriations ‘subject to style and amendments’ ang consolidated bill na layong pabilisin ang pagbili at pag-administer ng COVID-19 vaccine.
Ang House Bill 8648 ni Speaker Lord Allan Velasco at 8649 ni Quirino Representative Junie Cua ay nagbibigay ng karapatan sa mga Local Government Unit (LGU) na bumili ng Emergency Use Authorization (EUA) COVID-19 vaccine direkta sa mga manufactures.
Kapwa nais ng dalawang panukala na bigyan ng exemption sa hinihinging requirements sa ilalim ng Republic Act 9184 o Government Procurement Reform Act ang mga LGUs nang sa gayon ay mabilis na makakabili ng bakuna at iba pang kinakailangang suplay ang mga lokal na pamahalaan.
Sa pagdinig ng komite, sinabi ni Cua na dapat lagyan ng retroactive provision ang panukala na kung sakali mang magkaroon ng bahagyang delay sa pagpapasa ng panukalang batas ay hindi makokompromiso ang biniling bakuna ng bansa.
Hiniling din ng komite ang tulong ng Government Procurement Policy Board (GPPB) sa pagbuo ng specific provisions partikular na ang may kaugnayan sa RA 9184.
Kabilang sa hinihiling na exemptions para mapahintulutan ang direct procurement ng LGUs ay ang hindi na pagsasagawa ng bidding, paglalaan ng downpayment, pagkakaroon ng fixed na presyo, malinaw na timeline at bayad-pinsala na sasagutin ng buyer.