Panukalang magbibigay ng free dialysis sa mga senior citizen, aprubado na ng House panel

Inaprubahan ng House Special Committee ang panukalang batas na magbibigay ng libreng hemodialysis, peritoneal dialysis at iba pang dialysis procedures para sa mga senior citizen.

Sa ilalim ng House Bill No. 7859, ang halaga ng dialysis services ay dapat ipa-reimburse sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).

Nakasaad din sa panukala na ang mga procedure na gumagamit ng dialysis solutions na nakalista sa Philippine Drug Formulary at iba pang laboratory procedures at supplies na kailangan ay dapat i-reimburse.


Sa lalong madaling panahon, dapat ma-reimburse ng PhilHealth ang lahat ng resibo na may petsang 30 araw bago ang claimed session.

Ayon kay Senior Citizens Partylist Representative Rodolfo Ordanes, sa ilalim ng kasalukuyang circular, sagot ng PhilHealth ang 90 mula sa 144 na dialysis sessions.

Ibig sabihin, ang mga senior citizens ay kailangang bayaran ang natitirang 54 sessions at nagkakahalaga ito ng 135,000 pesos kada taon.

Masyado aniya itong mahal para sa mga senior citizen, lalo na sa mga walang trabaho o mapagkakakitaan.

Noong November 2020, pinalawig ng PhilHealth ang libreng dialysis subsidy para sakupin ang lahat ng 144 sessions, pero ang kautusang ito ay nagtagal lamang hanggang December 31, 2020.

Inaasahang magiging sponsor si Ordanes sa panukalang batas para sa plenary approval nito.

Facebook Comments