Sa botong pabor ng 21 mga Senador at walang tumutol ay lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Senate Bill 2027 o panukalang batas na nagbibigay ng kapangyarihan sa Pangulo na suspendehin ang pagtaas sa kontribusyon ng mga miyembro ng Social Security System o SSS.
Nakapaloob sa panukala na maaring ipasuspendi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang SSS contribution increase sa loob ng anim na buwan at maari pang palawigan ng 6 na buwan kapag may national emergency o state of calamity.
Inaamyendahan ng panukala ang Sec. 4(a)(9) ng “Social Security Act of 2018,” na nagpapahintulot sa governing body ng SSS na magpatupad ng contribution rate increase.
Kasama dito ang nakatakdang 1% contribution rate increase kada ikalawang taon mula 2019 hanggang 2025.
Ayon kay Committee on Government Corporations and Public Enterprises Chairman Senator Richard Gordon, hindi napapanahon ngayon ang pagtaas sa SSS contribution dahil marami ang naghihirap dulot ng COVID-19 pandemic.