Lusot na sa dalawang kapulungan ng kongreso ang panukalang magbibigay kay Pangulong Rodrigo Duterte ng special authority para labanan ang COVID-19.
Sa botong 284-9 sa Kamara, at 12-0 sa Senado, inaprubahan ang “Bayanihan to Heal as One Act.”
Nakasaad sa panukala na palalakasin ang mga hakbang ng gobyerno para mapigilan ang pagkalat ng virus, at mabilis na maihatid ang tulong sa mga apektadong indibidwal, at pagpapagamot at alaga sa mga pasyente.
Tinanggal dito ang mga probisyong pansamantalang ite-take over ng pangulo ang negosyo at public utilities na pagmamay-ari ng mga pribadong kumpanya.
Sa ilalim ng panukala, binibigyan ang pangulo ng temporary authority para pangasiwaan ang operasyon ng mga private hospitals, medical and health facilities, transport na gagamitin para sa paghahatid ng frontliners at iba pang establisyimento na magsisilbing temporary housing para sa health workers o quarantine areas.
Bukod dito, bibigyan din ng authority ang pangulo para sa procurement ng medical equipment at protective gear, pagbibigay ng maayos na covid-19 laboratory test, at pagbibigay ng hazard pay at special risk allowance sa mga frontline workers.
Maaari ring mag-re-allocate o mag-realign ng pondo sa 2019 budget at ang pondo sa 2020 general appropriations act.
Inoobliga rin ng kongreso ang Pangulo na magbigay ng weekly report sa mga hakbang na gagawin nito alinsunod sa panukalang batas.
Kapag naging batas, magiging epektibo lamang ang batas sa loob ng tatlong buwan, maliban na lamang kung palawigin ng kongreso.
Maaari ring bawiin ito ng kongreso o sa pamamagitan ng presidential declaration.