Panukalang maglalagay ng anti-corruption mechanism sa operasyon ng mga bangko at iba pang financial institution, aprubado na sa Kamara

Aprubado na sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ang House Bill 7446 na mag-aamyenda sa Secrecy of Bank Deposits law.

257 na mga mambabatas ang bumotong pabor sa panukala na layuning maglagay ng anti-corruption mechanism sa operasyon ng mga bangko at iba pang financial institution upang matugunan ang mga butas sa bank secrecy law.

Target ng panukala na labanan ang tax evasion, money laundering at iba pang financial crimes.


Pinapahintulutan ng panukala ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na silipin ang mga deposito kahit na ng nagsarang bangko kung may nakitang batayan ang Monetary Board na maaaring nagkaroon ng panloloko, iregularidad, o iligal na aktibidad.

Ang resulta ng bank examination ay maaari lamang gamitin ng BSP, Securities and Exchange Commission, Philippine Deposit Insurance Corporation, Anti-Money Laundering Council, Department of Justice, at korte.

Facebook Comments