Panukalang Magna Carta for Out-of-School Youth, lusot na sa Kamara

Inaprubahan na ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 9347 o panukalang Magna Carta of the Out-of-School Youth o (OSY).

246 na mga kongresista ang bumoto pabor sa panukala na layuning kilalanin at itaguyod ang karapatan ng mga OSY upang makatulong ang mga ito sa pagpapa-unlad ng bansa.

Inaatasan ng panukala ang estado sa pamamagitan ng National Youth Commission, Commission on Human Rights, at iba pang ahensya ng gobyerno na lumikha ng mga programa na magbibigay proteksyon sa mga OSY laban sa anumang uri ng diskriminasyon, at magsusulong din sa kanilang karapatan para sa kanilang pag-unlad.


Ang panukala ay nagbibigay rin ng suporta sa mga OSY sa larangan ng edukasyon, kalusugan, social services, at pagtatrabaho.

Kasama rin sa panukala ang paglikha ng Advisory Council na nakasaad sa Section 14 ng Republic Act No. 8044 o ang “Youth in Nation-Building Act.”

Iniuutos din ng panukala ang paglikha sa National Comprehensive Multi-Stakeholder Plan of Action for the OSYs na magtataguyod sa pag-aaral, mental, reproductive health, skills training, at livelihood assistance para sa kanilang hanay.

Facebook Comments