Inihain ni Paranaque Rep. Edwin Olivarez ang House Bill 6786 o panukalang Pet Transport Act na mag-oobliga sa mga may-ari ng Public Utility Vehicles o PUVs na maglaan ng “designated animal compartments” para sa mga hayop na nasa carriers o cage.
Kung walang ibang pasahero sa PUV, ay papayagan na buhatin ng pet owner ang alaga, basta’t ito ay malinis at tiyak na hindi magdudulot ng pinsala sa ibang pasahero.
Nakapaloob naman sa panukala na hindi dapat masakripisyo ang kaligtasan, “convenience” at kaginhawaan ng mga pasahero.
Sa panukala ay binigyang diin ni Olivarez na ang Pilipinas ay kilala bilang “East Asia’s biggest dog owner” at sa katunayan, mayroong alagang aso ang kada walong tao at marami rin ang may alagang pusa at iba pa.
Binanggit din ni Olivarez na maraming pag-aaral ang nagsasabi na ang mga alaga ay nakakabawas ng stress, anxiety, depression, kalungkutan at nagbibigay ng “valuable companionship” at pagmamahal.
Naniniwala si Olivarez na kasabay ng dumaraming “pet-friendly” na pampublikong lugar, ay panahon na ring payagan ang mga pasahero na magdala ng kanilang alaga sa PUVs.