Hinimok ni Vice President Leni Robredo si Pangulong Rodrigo Duterte na sertipikahang ‘urgent’ ang Archipelagic Sea Lanes Passage Bill.
Kasunod na rin ito ng sunod-sunod na insidente ng “non-innocent passage” ng mga Chinese Warship sa Sibutu Strait malapit sa Tawi-Tawi na paglabag sa UNCLOS.
Sa ilalim ng panukala maglalagay ang bansa ng Sea Lanes sa mga karagatang sakop nito kung saan lang pwedeng dumaan ang mga Foreign Vessel.
Pwede rin nitong obligahin ang mga Foreign Vessel na buksan ang kanilang Automatic Identification System (AIS) gayundin ang mga submarine na lumutang at ipakita ang kanilang bandila.
Nabatid na taon-taon inihahain sa Kongreso ang nasabing panukala kung saan ang pinakahuli ay ang inihain ni magdalo Rep. Manuel Cabochan ngayong 18th Congress.
Umaasa rin si Robredo na igigiit na ni Pangulong Duterte sa China ang naging ruling ng Arbitral Tribunal hinggil sa agawan ng teritoryo sa West Philippine Sea.