Panukalang mandatory PhilHealth coverage sa lahat ng PWD, pinirmahan na ni PRRD

Manila, Philippines – Pinirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang batas ang mandatory PhilHealth coverage sa lahat ng Persons with Disability (PWDs).

Ang Republic Act (RA) number 11228 ay nilagdaan nitong February 22 ay magiging epektibo 15 araw matapos itong mailathala sa official gazette o anumang pahayagan.

Sa ilalim ng batas, ang lahat ng may kapansanan ay awtomatikong sakop ng National Health Insurance Program ng PhilHealth.


Ang premium contributions sa lahat ng PWDs ay sasagutin ng national government sa kundisyong ang mga kontribusyon ng mga PWD members sa formal economy ay paghahatian ng kanilang employer at national government.

Minamandato rin ang PhilHealth na bumuo ng exclusive packages para sa PWDs na layong tugunan ang kanilang pangangailangan.

Ang pondo para sa pagpapatupad ng bagong batas ay manggagaling mula sa national health insurance fund ng PhilHealth na kinukuha mula sa sin tax.

Inatasan naman ng Department of Health (DOH) para sa monitoring ng implementation ng batas.

Ang PhilHealth, katuwang ang DOH, Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Labor and Employment (DOLE), National Council on Disability Affairs (NCDA) at Local Government Units (LGUs) ay bubuo ng Implementing Rules and Regulations (IRR) sa loob ng tatlong buwan pagkatapos maging epektibo ang batas.

Facebook Comments