Panukalang nagbabawal sa ‘no permit, no exam policy’, inendorso na sa plenaryo ng Senado

Inendorso at tinalakay na sa plenaryo ng Senado ang panukalang batas na nagbabawal ng ‘no permit, no exam’ policy sa mga educational institution.

Si Senate Committee on Higher Education Chairman Senator Chiz Escudero ang nag-sponsor ng panukala sa plenaryo.

Sa ilalim ng Senate Bill 1359, ipinagbabawal ang pagpapatupad ng anumang polisiya na hahadlang sa isang mag-aaral sa pampubliko o pribadong paaralan na makakuha ng anumang exam o iba pang educational assessment dahil sa pagkakautang sa matrikula o anumang school fees.


Nakasaad sa panukala na ang school management ang mananagot sa batas at hindi ang mga guro at mahaharap sa multang aabot sa P20,000 hanggang P50,000 para sa paglabag sa bawat probisyon ng panukalang batas.

Para naman maprotektahan ang mga paaralan ay mayroong probisyon ang panukala na maaaring pumirma ng promissory note ang mag-aaral o kanyang magulang.

Kung hindi makakabayad ng utang ang isang estudyante ay maaaring hindi ilabas ng paaralan ang diploma, grade, certificate, clearance o hindi pag-enroll-in sa susunod na school year ang mag-aaral.

Facebook Comments