Lusot na sa House Committee on Basic Education and Culture ang House Bill 1994 o “Anti-Photobomber Bill” o panukalang magbabawal anumang konstruksyon o real estate development na makasisira sa “view at sightline” ng anumang national landmark, shrines, monumento, at iba pang makasaysayang istraktura.
Ayon kay Albay Rep. Edcel Lagman, na siyang pangunahing may-akda ng panukala, layunin nito na maprotektahan at maisulong ang kapakanan ng cultural heritage properties ng bansa na parte ng ating kasaysayan.
Nag-ugat ang panukala ni Lagman sa kontrobersyal na konstruksyon ng isang high-rise condominium sa Maynila na itinuring na photobomber ng bantayog ni Dr. Jose Rizal o Rizal Monument.
Pabor sa panukala ni Lagman ang National Commission for Culture and the Arts, National Historical Commission of the Philippines at National Museum of the Philippines.
Kaugnay nito ay sumulat si Lagman kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez para sa agarang pagpapatibay sa panukala.