Manila, Philippines – Aprubado sa ikalawang pagbasa ng Kamara ang panukalang batas na nagdedeklara sa ‘Balangay’ bilang Pambansang Barko ng Pilipinas.
Ang ‘Balangay’ ay isang barkong gawa sa kahoy na ginamit ng mga kanunuan nating Pilipino at dito rin nakuha ang salitang ‘barangay’, ang pinakamaliit na political unit sa bansa.
Kilala rin ito bilang ‘Butuan Boat’.
Ang House Bill 986 na ini-akda ni Agusan del Norte Representative Lawrence Lemuel Fortun ay recommended for approval ng house committee on basic education and culture na ipe-presenta sa susunod na linggo para pagtibayin sa pinal na pagbasa bago ipasa sa Senado.
Ayon kay Fortun – ipinakikita lamang nito na kahusayan ng mga Pilipino sa paggawa ng mga barko at bangka, maging sa paglalayag sa karagatan noong pre-colonial era.
Aniya, ginamit ng mga Pilipino ang ‘Balangay’ para sa pakikipagkalakalan sa mga kalapit na bansa at mga imperyo sa timog-silangang Asya noong ika-10 at ika-11 siglo.
Ang ‘Balangay’ ay source ng national pride kaya hindi dapat ito ibinabaon sa limot.