Isusumite ng Kongreso sa Malacañang ngayong araw ang panukalang batas na nagbibigay ng ‘special powers’ kay Pangulong Rodrigo Duterte para tugunan ang COVID-19 sa bansa o ang “Bayanihan to Heal as One Act”.
Nakasaad sa inaprubahang panukala na ang mga public health workers na nahawa sa sakit ay makakatanggap ng P100,000 mula sa pamahalaan, habang ang lahat ng medical practitioners na binawian ng buhay dahil sa COVID-19 ay bibigyan naman ng tig PHP1 million kada isa.
Itinatakda rin ng panukala na bigyan ng buwanang allowance ang nasa 18 million na mahihirap na pamilya sa buong bansa ng PHP5,000 hanggang PHP8,000 sa loob ng dalawang buwan.
Binibigyan din nito ang Pangulo, sa loob ng limitadong panahon, ng mahigit 20 special powers.
Kabilang sa kapangyarihan na ito ang reallocation ng savings ng pamahalaan para gamitin sa COVID-19 response; pangangasiwa sa operation ng anumang privately-owned hospitals, medical at health facilities, at iba pang establisiyemento at passenger vessels na gagamitin ng mga front liners kapang kakailanganin ng sitwasyon; pag-obliga sa mga nagpaparenta ng pabahay o mga paupahan, sa mga bangko, at iba pang financial institutions tulad ng GSIS, SSS, at Pag-ibig Fund na magpatupad ng 30-grace period.
Kaninang madaling araw inaprubahan ang pagbibigay ng dagdag na kapangyarihan sa Pangulo para gumawa ng mga hakbang laban sa COVID-19 matapos na i-adopt o pagtibayin na lang ng Kamara ang Senate Bill No. 1418 upang hindi na dumaan sa bicameral conference at mapadali ang pagpasa sa panukala, na sinertipikahang urgent ni Pangulong Duterte.