Sa botong pabor ng 23 mga senador ay lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Senate Bill No. 2421.
Ito ang panukalang batas na nagbibigay ng benepisyo at allowances sa healthcare workers sa gobyerno at pribadong sektor hanggang umiiral ang public health emergency dahil sa COVID-19 pandemic.
Nakapaloob sa panukala na ang halaga ng matatanggap nilang allowance ay nakabatay sa panganib na hatid ng COVID-19 sa pagtupad ng kanilang trabaho.
Base sa panukala, P3,000 ang ibibigay kapag low- risk, P6,000 kapag medium risk at P9,000 kapag high-risk.
Bukod dito ay tatanggap din sila ng P15,000 na kompensasyon kapag tinamaan ng mild o moderate COVID-19; P100,000 kapag naging severe o critical ang kanilang kondisyon at P1 million para sa pamilya kapag namatay sa COVID-19.
Ang nabanggit na mga benepisyo ay bukod pa sa ipinagkakaloob ng magna carta of public health workers para sa mga nasa gobyerno.
Bukod din dito ang hazard pay na resulta naman ng collective bargaining agreement sa bahagi ng pribadong sector.