Pinagtibay sa unang pagbasa ng House Committee on Women and Gender Equality ang substitute bill na nagpapadeklara na iligal at bawal ang “child marriage” sa bansa.
Sa ilalim ng panukala ay mahaharap na sa mabigat na parusa ang mga lalabag kapag ipinagbawal na ng tuluyan ang child marriage.
Pinoprotektahan ng panukalang batas ang physical, moral, spiritual, intellectual at social-wellbeing ng isang bata, mapababae man o lalaki.
Nakasaad sa panukala ang pagpapabuwag sa lahat ng traditional at cultural practice ng child marriage na nagiging daan para maabuso at ma-discriminate ang mga kabataan.
Kasama rin sa mga ipapawalang bisa ang child marriages na ginawa kahit wala pa ang batas.
Itinutulak din ng panukala ang pagkakaroon ng mga programa na tutuldok sa child marriage sa ating bansa.
Batay sa United Nations Children’s Fund o UNICEF, ang Pilipinas ang pang-12 sa mga bansa sa mundo na may pinaka-maraming child brides na umaabot sa 726,000.