Ikinalugod ni AGRI Party-list Rep. Wilbert Lee ang pagpasa ng Mababang Kapukungan sa House Bill No. 7909 o panukalang nagpapalawig sa Estate Tax Amnesty ng dalawang taon o hanggang June 14, 2025 mula sa deadline nito sa June 14, 2023.
Sa ilalim ng panukala ay mabibigyan ng pagkakataon ang mga indibidwal na mayroong hindi nabayarang estate tax na magbayad nang walang multa.
Diin ni Lee, kapag naisabatas ay malaking tulong ang panukala lalo na’t bumabangon pa lang tayo sa pandemya at dagdag na kalbaryo pa ang mataas na presyo ng bilihin.
Sabi ni Lee, marami tayong mga kababayan, lalo na sa probinsya, ang hindi na natutukan ang pagbabayad ng estate tax, kaya tumaas nang tumaas ang penalty.
Para kay Lee, hindi naman sila masisi, dahil kung hirap na nga silang pagkasyahin ang gastos sa pagkain at pang-araw-araw na pangangailangan ay siguradong mababaon sila sa utang at mga multa na kailangan pang bayaran kung hindi sila tutulungan ng gobyerno.