
Inaprubahan na ng House of Representatives sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 6636 o panukalang pagsasabatas ng Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS Program ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
270 mga kongresista ang bumoto pabor sa panukala, 8 ang tutol at 2 ang nag-abstain.
Layunin ng panukala na gawing regular na programa ng gobyerno ang AICS na lalaanan ng pondo taun taon sa ilalim ng national budget kumpara ngayon na ito ay inisyatibo lamang ng DSWD.
Sa ilalim ng AICS, ang mga kuwalipikadong benepisyaryo ay maaring tumanggap ng financial, medical, transportation, food, at material assistance gayundin ng psychosocial support, disability services, legal na konsultasyon at iba pang serbisyo depende sa assessment ng DSWD social workers.
Nakapaloob din sa panukala ang pagbuo ng congressional oversight committee na kakabilangan ng limang senador at limang kongresista na syang magsasagawa ng systematic evaluation ng programa at performance ng mga implementing agencies.









