Inihain na ni Committee on Finance Chairman Senator Sonny Angara sa plenaryo ng Senado ang Senate Bill 2057 o panukalang Vaccination Program Act na ang committee report ay nilagdaan ng dalawampung mga senador.
Layunin ng naturang panukala na mapabilis ang pagbili at maayos na distribusyon ng bakuna laban sa COVID-19.
Binibigyan ng panukala ng awtorisasyon ang Department of Health (DOH) at National Task Force on COVID-19 na idaan sa negotiated procurement ang pagbili ng COVID-19 vaccine, mga supplies at serbisyo para sa pag-iimbak nito pati ang transportasyon at distribusyon.
Pinapahintulutan naman ng panukala ang Local Government Units (LGUs) at mga pribadong kumpanya na bumili ng COVID-19 vaccines, at ng kinakailangang supplies at serbisyo pero dapat may koordinasyon sa DOH at NTF.
Nakasaad din sa panukala na para lamang sa 50 percent ng populasyon ng LGUs ang maaari nitong bilhin at dapat din ay masterlist ito ng babakunahan kung saan prayoridad ang mga frontline healthworkers, senior citizen at mga mahihirap.
Malinaw rin sa panukala na ang bibilhin ng pribadong sektor ay hindi maaaring ibenta.
Itinatakda rin sa panukala ang paglikha ng COVID-19 Indemnification Fund na lalagakan ng P500 million mula sa contingency fund at pangangasiwaan ng PhilHealth.
Bubuo rin ng Special Task Group na kabibilangan ng medical at vaccine experts para bantayan ang posibleng epekto ng pagpapabakuna.
Nasa panukala rin ang pagbibigay ng DOH ng digital vaccine passport sa mga mababakunahan at ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ang inatasan para gumawa ng digital infrastructure.