Panukalang nagtatanggal ng buwis sa election honoraria ng poll workers, lusot na sa Senado

Sa botong pabor ng 17 mga senador ay lumusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado ang Senate Bill 2520.

Ito ang panukalang batas na nagsusulong na huwag nang patawan ng buwis ang mga election honoraria at allowances ng mga nagsisilbi sa eleksyon tulad ng mga guro.

Ngayong taon base sa Commission on Election (COMELEC) Resolution No. 10727 series of 2021, ang mga nagsilbi sa halalan ay makatatanggap ng honorarium, travel allowance, anti-covid allowance at communication allowance.


Sa datos ng Department of Education (DepEd), nasa 647,812 na tauhan nito ang nagsilbi sa katatapos na halalan kung saan 319,317 public school teachers ang nagsilbing electoral board.

Nakatakda namang sumalang sa Bicameral Conference Committee ang panukala para pag-isanin ang bersyon ng Senado at Kamara at kapag naratikahan na ng dalawang kapulungan ay ipadadala na ito sa pangulo para lagdaan at maging ganap na batas.

Kaugnay nito ay nagsagawa naman ng kilos protesta ang mga miyembro ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines sa labas ng Senado kanina bilang pagsuporta sa panukala.

Giit ni ACT Secretary General Raymond Basilio, masyadong matatas ang 20% tax na ipinataw sa ibinayad sa mga nagsilbi sa halalan mula sa dating 5% lang.

Facebook Comments