Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte at isa ng ganap na batas ang Republic Act No. 11701 na nagbibigay ng night shift differential pay para sa mga kawani ng pamahalaan at ang pagdodoble ng parehong benepisyo para sa mga public healthcare worker.
Inihayag ito ni Senador Ramon Revilla Jr., na siyang pangunahing may akda at sponsor ng panukala bilang Chairman ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation.
Ayon kay Revilla, sa ilalim ng bagong batas ay na-institutionalize na ang night shift differential para sa trabahong isinagawa sa pagitan ng alas-6:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga ng sumunod na araw.
Binanggit ni Revilla na makakatanggap ang mga kawani ng pamahalaan ng night shift differential pay na hindi tataas sa 20% ng hourly basic rate ng empleyado.
Sabi ni Revilla, inaamyendahan din ng naturang batas ang Republic Act No. 7305 o ang “Magna Carta of Public Health Workers” na nagtatakda lamang sa 10% ng kanilang regular wage bilang night shift differential pay.