Suportado ng National Telecommunications Commission (NTC) ang inihaing Senate Bill No. 1530 ni Senate Minority Leader Franklin Drilon para sa non-expiration ng legislative franchise basta’t ang aplikasyon ay naihain na at nakabinbin sa Kongreso.
Sinabi ito ni NTC Commissioner Gamaliel Cordoba sa pagdinig ng Senado sa panukala ni Drilon.
Ayon kay Cordoba, makakatulong ang panukala para maplantsa ang gap ng Republic Act 3846 o Radio Control Law na nagsasabing ang public utility partikular ang broadcasting company ay hindi puwedeng payagang makapag-operate ng walang legislative franchise.
Inihalimbawa ni Cordoba ang kaso ng ABS-CBN kung saan naisyuhan ng cease and desist order (CDO) ng NTC matapos mapaso ang kanilang congressional franchise noong May 4, 2020.
Sa pagdinig ay ipinaliwanag ni Cordoba na ang kapangyarihan ng NTC na mag-isyu ng administrative license ay base sa kasalukuyang batas sa prangkisa na Republic Act 3846.
Nilinaw din ni Cordoba sa pagdinig na hindi nag-isyu ang NTC ng provisional license sa sinumang broadcaster habang nakabinbin sa Kongreso ang kanilang franchise bill.
Sinabi pa ni Cordoba, hindi ito ang unang pagkakataon na naglabas sila ng CDO sa mga broadcasting firm, patunay na hindi nila sini-single out ang ABS-CBN.
Binanggit ni Cordoba na nakapag-isyu na ang NTC ng CDO laban sa ilang radio station na nag-operate ng walang permit noong 2016 at 2019 election campaigns.