Isinulong ni Paranaque Rep. Edwin Olivarez ang pagkakaroon ng “Overseas Filipino Workers o OFW Sovereign Fund” kung saan maari nilang ipuhunan ang perang pinaghirapan na kanila ring pakikinabangan at ng kanilang pamilya.
Nakapaloob sa House Bill 6804 na inihain ni Olivarez na ang investment ng OFWs ay maaari ding gamitin sa mga programa o plano ng gobyerno na makakatulong sa “job-generating industrial o agricultural projects” at iba pa.
Base sa panukala, ang Bureau of Treasury ng may koordinasyon sa Department of Budget and Management (DBM) at Commission on Audit (COA), ay magsasagawa ng “accounting” sa lahat ng mga resibo at disbursements mula sa OFW Sovereign Fund.
Binigyang diin sa panukala ang pagtiyak na walang anumang halaga mula sa OFW Sovereign Fund na mailalabas o magagamit para sa “current needs” ng gobyerno.
Halimbawa nito ang personal services, maintenance at operating expenses o capital outlay at iba pa na wala sa listahan ng mga proyekto na pwedeng popondohan ng sovereign fund.
Iniuutos din ng panukala na huwag patawan ng buwis ang interest income at iba pang earnings mula sa investments sa OFW Sovereign Fund.