Manila, Philippines – Masyadong mataas para kay Committee on Ways and Means Chairman Senator Sonny Angara ang panukala na patawan ng dagdag na sampung piso kada litro ang buwis na ipinapataw sa sugar sweetened beverages katulad ng soft drinks.
Kumbinsido si Angara na makakatulong ang dagdag buwis para mabawasan ang consumption ng publiko sa matatamis na inumin na masama sa kalusugan.
Gayunpaman, nais ni Angara na maibaba ang sampung pisong dagdag buwis na nais ng Dept. of Finance sa kada litro ng matatamis na inumin upang hindi maging matindi ang epekto nito sa publiko at sa mga stakeholders, pati mga maliliit na sari-sari store.
Ikinokonsidera ni Angara ang dagdag na buwis na ipinapataw ng ibang bansa na pumapalo lang sa sampung porsyento ng halaga ng sugar sweetened beverages.
Sa panukala kasi aniya ng DOF ay halos madodoble ang presyo ng mga matatamis na inumin.
Maliban dito ay bibigyang konsiderasyon din ni angara ang mungkahi ni Senator Juan Miguel Zubiri na sa halip na sampung piso ay gawing limang piso na lamang kada litro ang ipataw na dagdag buwis sa mga sugar sweetened beverages.
Plano ni Angara na magsagawa pa ng mga pagdinig hinggil dito at target niyang makapag labas ng committee report sa darating na Setyembre.
“Kasi pinag-aralan din natin yung sa ibang bansa, at lumalabas parang naglalaro lang sa 10 percent yung pagtaas, pero tinitignan din natin yung ibang sukatan doon sa pagpataw ng buwis. E, ang sabi naman ng mga eksperto, kung kalusugan ang pinag-uusapan, dapat tinitigan natin yung laman na asukal at yung buwis nakabase doon sa laman na asukal,” paliwanag ni Senator Angara.