Kumpiyansa si Senate President Juan Miguel Zubiri na sa susunod na taon ay maipapasa na sa Senado ang P150 legislated wage increase sa pribadong sektor.
Ito’y matapos kumpirmahin ng senador na natapos na ng Senate Committee on Labor ang committee report sa mga panukalang dagdag-sahod sa private sector sa buong bansa.
Sinabi ni Zubiri na posibleng sa pagbabalik ng sesyon sa Enero 23 ay maisponsoran na sa plenaryo ang committee report sa panukala upang kanilang matalakay at mahimay.
Sa tantsa ng Senate President ay posibleng pagsapit ng Pebrero ay maaprubahan na ito ng Mataas na Kapulungan.
Ang pahayag ay ginawa ng Senate leader sa gitna ng kanyang pangako na patuloy na magsusulong ng mga panukala na mapakikinabangan ng taumbayan.
Iginiit ni Zubiri na ngayong 2023 ay mission accomplished sila sa pag-aapruba ng mga panukala para sa kapakanan ng mamamayan.