Tinutulan ng grupo ng mga guro at estudyante ang isinusulong ni Trade Secretary Alfredo Pascual ang pag-alis sa General Education (GE) subjects sa kolehiyo.
Mababatid na minungkahi ito ni Pascual kasabay ng panukalang paikliin ang pagkuha ng isang college degree sa pamamagitan ng pag-alis ng GE subjects na sakop umano ng K-12 curriculum upang makapokus ang estudyante sa major subjects at specific skills na kailangan.
Para kay Congress of Teachers/Educators for Nationalism and Democracy Vice Chairperson Mon Sy, mali ang pagpapalagay na super specialization ang kailangan sa isang workplace dahil may mga trabaho na kailangan din ng general education skills katulad ng commuinication at ethics.
Pinaparebyu naman ni National Union of Students of the Philippines (NUSP) President Jandeil Roperos ang K-12 program upang matignan ang gustong makamit na dekalidad na edukasyon.
Samantala, kontra rin ang mga employer sa bansa sa pagtanggal ng General Education sa kolehiyo.
Ayon kay People Management Association of the Philippines (PMAP) executive director Rene Gener, may mga pag-aaral na nagsasabing dapat ang mga nag-aaply ng trabaho ay mga skills, collaboration, problem solving skills, communication at critical thinking na nakukuha sa General Education.
Giit pa ni Gener, sa pamamagitan ng GE ay nagiging madali sa tao ang socialization o pakikipagkapwa at magiging flexible ang mag-aaral na sumalang sa mga naaayon na trabaho at hindi mapapako sa kung ano lang ang tinapos.