Iginiit ni Senator Joel Villanueva na dapat seryosong pag-aralan munang mabuti ang planong pag-armas sa anti-crime civilian organization.
Paliwanag ni Villanueva, kailangan munang magtakda para dito ng protocols at legal bounds ng rules of engagement at dapat ding magkaroon muna ng sapat na training ang mga sibilyan na aarmasan.
Kaugnay nito ay iminungkahi ni Villanueva na sa halip armasan ang mga sibilyan ay mas makabubuting paigtingin na lang ang police visibility at dagdagan ang mga magpapatrolyang pulis para masawata ang mga krimen.
Kasama rin sa suhestyon ni Villanueva ang pagpapahusay ng CCTV network at pagpapabuti ng 911 system.
Diin pa ni Villanueva ang pagpapanatili ng peace and order ay trabaho ng gobyerno at hindi dapat ilagay sa kamay ng pribadong sektor.