Kinondena ni Cagayan de Oro 2nd District Representative Rufus B. Rodriguez ang panukala na biyakin sa tatlo ang prangkisa ng Meralco at iginiit ang kahalagahan na mapangalagaan ang kapakanan ng mga konsumer.
Hamon ni Rodriguez sa mga nananawagan na hatiin ang prangkisa ng Meralco, sabihin kung sino ang nakikita nilang hahawak sa mawawalang lugar ng Meralco at siya ring titiyak na magkakaroon ng sapat na suplay ng kuryente ang mga ito.
Diin ni Rodriguez, ang dapat atupagin ng mga nasa likod ng nasabing mungkahi ay ang paghanap ng konkretong solusyon sa mataas na presyo ng kuryente at ang pagtiyak na hindi mapuputol ang suplay ng kuryente hindi lamang sa mga lugar na hawak ng Meralco kundi sa buong bansa.
Nilinaw naman ni Rodriguez na wala itong problema sa kuwestyon kaugnay ng kawalan ng bagong Weighted Average Cost of Capital (WACC) ng Meralco at iba pang power distributor upang makapagtakda umano ng bagong rate.
Sinabi rin ni Rodriguez na walang problema sa paglalantad ng mga kamalian subalit makabubuti kung pag-aaralan muna ito ng mabuti para mahanapan ng solusyon alang-alang sa interes o kapakanan ng mga konsumer.