Inaprubahan na ng Kamara de Representantes ang panukala na magdedeklara sa buwan ng Hunyo bilang Marine Turtle Conservation and Protection Month.
236 mga kongresista ang bomoto pabor sa panukala o ang House Bill No. 8503 na layuning isulong ang proteksyon at pangangalaga sa mga marine turtle at kanilang mga tahanan gayundin sa pagkakaroon ng ecological balance at biological diversity sa bansa.
Inaatasan ng panukala ang lahat ng tagapamuno ng ahensya at tanggapan ng gobyerno, kabilang ang Government-Owned and Controlled Corporations at mga lokal na pamahalaan, na hikayatin at bigyan ng pagkakataon ang mga empleyado na makibahagi sa iba’t ibang aktibidad na gagawin tuwing “Marine Turtle Conservation and Protection Month”.
Ang kalihim ng Department of Environment and Natural Resources, katuwang ang iba pang kinauukulang ahensya, lokal na pamahalaan, at pribadong sektor ang gagawa ng mga programa at aktibidad upang makamit ang layunin ng panukala.
Kapag naisabatas magiging dagdag proteksyon ito sa mga marine turtle bukod pa sa kasalukuyang Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.