Ikinatuwa ni Rizal 4th District Representative Fidel Nograles ang paglusot sa Committee on Tourism ng inihain niyang House Bill No. 2962 o panukalang Development of Wawa Dam Act na layuning ideklara ang Wawa Dam bilang tourist destination.
Umaasa si Nograles na tuluyang ng maisasabatas ang panukala para masuportahan ng gobyerno ang lugar para ito ay lubos na ma-develop at mapakinabangan ng mga residente hanggang sa susunod na henerasyon.
Ang Wawa Dam ay isang man-made dam sa Sierra Madre mountain range sa Montalban na itinayo noong 1909 at kinikilala ng National Museum bilang isang Important Cultural Property dahil sa taglay nitong disenyo, istraktura at historical significance noong World War 2.
Madalas na pinupuntahan ang Wawa Dam ng mga hikers, bikers at adventurers dahil malapit sa Mt. Pamitinan at Mt. Binacayan at mainam din itong lugar para mag-swimming, picnic, sightseeing, boating at photography.
Sa ilalim ng panukala ni Nograles ay bibigyan ng mandato ang Department of Tourism (DOT), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Interior and Local Government (DILG) at lokal na pamahalaang may sakop sa lugar para bumalangkas ng isang development plan para sa Wawa Dam.
Ipapaloob sa bubuuing plano ang pagtatayo, paglalagay at pagpapanatili ng kailangang pasilidad at imprastraktura para mapa-unlad ang Wawa Dam at makahikayat ng mas maraming turista.
Dagdag pa ni Nograles, kasama rin plano na gawing mas madaling puntahan ang Wawa Dam at maglatag ng hakbang para maproteksyunan ang seguridad ng mga turista.