Inihain na sa plenaryo ng Senado ang Senate Bill number 1241 na nag-oobliga ng paglalagay ng timbangan ng bayan sa lahat ng pampubliko at pribadong pamilihan.
Halimbawa nito ang mga palengke, supermarket, tiyangge, specialty store at grocery stores.
Ang panukala ay inendorso ng Senate Committee on Trade and Industry na pinamunuan ni Senator Koko Pimentel at Committee on Local Government na pinamumunuan naman ni Senator Francis Tolentino.
Ayon kay Senator Pimentel, layunin ng panukala na maprotektahan ang mga consumer at mapanagot ang mga mandaraya sa pamilihan.
Diin ni Pimentel, mahalaga ang bawat piso lalo na ngayong may pandemya kaya dapat magkaroon ng dagdag na proteksyon ang mga mamimili laban sa mga mapagsamantala.
Sa ilalim ng panukala, ang mga palengke o mall na hindi maglalagay ng timbangan ng bayan centers ay pagmumultahin at ipapasara kapag paulit-ulit na hindi sumusunod.