Pinagtibay na sa ikatlo at huling pagbasa ng Mababang Kapulungan ang House Bill No. 6683 o ang “Enterprise Productivity Act”.
242 mga kongresista ang bumoto pabor sa panukala at tatlo ang kumontra.
Target ng panukala na ipawalang bisa ang Republic Act No. 6971 o ang Productivity Incentives Act of 1990.
Inaatasan ng panukala ang lahat ng business owner na mayroong 10 o mahigit na mga empleyado na magpatupad ng productivity incentives program para sa kanilang manggagawa.
Nakasaad din sa panukala ang paglikha ng tax incentives system para sa small and large enterprises na magbibigay daan upang maging maayos ang implementasyon ng productivity incentives program para sa mga ordinaryong manggagawa.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, ang panukala ay pagkilala sa kasipagan ng mga Pilipinong manggagawa at ang pagiging bukas ng mga negosyante na pagkalooban ng reward ang kanilang mga produktibong empleyado.