Suportado nina Department of Health Secretary Francisco Duque III at Department of Finance Secretary Carlos Dominguez III ang isinusulong na panukala sa Senado hinggil sa paglilipat ng Chairmanship ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Sa inihain na Senate Bill No. 1829 ni Senate President Vicente Sotto III, nais nito na maamyendahan ang Section 13 ng Universal Health Care Act kung saan ang kalihim ng DOF ang mauupo bilang Chairman ng PhilHealth kapalit ng Secretary of Health.
Nakasaad pa sa panukalang batas na ang Secretary of Finance na uupong Chairman ay siyang magde-desisyon sa lahat ng hakbang ng PhilHealth Board at hindi maaaring magkaroon ng representatives.
Sinabi ni Duque na sinusuportahan niya ang nasabing panukala at naniniwala siya na magiging maayos ang pamamalakad ni Dominguez sakaling maaprubahan na ito.
Aminado naman si Dominguez na seryosong trabaho ang pagiging Chairman ng PhilHealth kung saan kakailanganin niya ang lahat ng oras para dito at gagawin niya ang lahat ng makakaya para magampanan ang trabaho.
Pag-aaralan naman ng Senate Committee on Health ang komento ng mga stakeholders sa gagawing pagdinig bago isalang sa plenaryo ang nasabing panukala.