Panukalang pagpapalawig sa deadline sa voter registration sa Kamara, lusot na sa ikatlo at huling pagbasa

Pinagtibay na sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 10261 o ang pagpapalawig ng voter registration para sa 2022 national at local elections.

Sa botong 193 sang-ayon at wala namang pagtutol ay tuluyang napagtibay sa huling pagbasa sa plenaryo ang isinusulong na pagpapalawig sa pagpaparehistro ng mga bagong botante.

Sa ilalim ng itinutulak na panukala, mula sa naunang mungkahi na extension ng deadline ng voter registration sa October 31 ay inamyendahan ito at napagdesisyunan na ang huling araw ng pagpaparehistro ng mga bagong botante ay itatakda na 30 araw matapos ang “effectivity” ng batas.


Ang House Bill 10261 ay inihain nina House Speaker Lord Allan Velasco, Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez at Minority Leader Joseph Stephen Paduano.

Nais ng mga may akda na palawigin ng Commission on Elections (Comelec) ang voter registration upang maiwasan ang malawakang “voter disenfranchisement” at mabigyan ng pagkakataon ang marami pang Pilipino na makapag-parehistro lalo’t na-delay ito dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.

Inaasahang mabilis itong maisasabatas at malalagdaan ng Pangulo bago ang nakatakdang May 2022 elections.

Facebook Comments