Sa botong pabor ng 23 mga senador ay inaprubahan na ng Senado ang 25 taong pagpapalawig sa prangkisa ng mga water concessionaire na Manila Water Co. Inc., at Maynilad Water Services Inc.
Bunsod nito ay inaasahan ni Senator Grace Poe na sa susunod na 25 taon ay makapagbibigay ang Maynilad at Manila Water ng mas mahusay na serbisyo sa ilalim ng new normal kasabay ng pangmatagalan at maiksing target para solusyunan ang kakapusan sa tubig.
Binanggit ni Poe na taong 1997 nang unang nabigyan ng concession agreements ang dalawang water concessionaires para sa water at sewerage services kaya’t nagsulong ng mga amyenda sa bagong kasunduan na naglalatag ng mas mataas na standard sa water service providers.
Tinukoy ni Poe na kabilang sa inamyendahan ang pagsumite ng mga concessionaire ng completion plan para sa pagtatayo at operasyon ng water, sewerage at sanitation projects hanggang 2037.
Kasama na rito ang limang taong completion target para makamit ang 100 porsiyentong combined sewerage at sanitation coverage.
Kabilang din sa amyenda ay ang pagmamandato sa mga concessionaire na magpatupad ng mga mekanismo para sa konsultasyon sa mga stakeholder ukol sa kanilang serbisyo.
Gayundin ang paglikha ng mga oportunidad para sa pagbibigay ng trabaho kung saan bibigyang prayoridad ang mga residente ng lugar kung saan nag-ooperate ang concessionaire.
Nakasaad din sa Revised Concession Agreement ang tariff freeze hanggang Disyembre 2022 kung saan hindi magkakaroon ng pagtaas sa singil ng tubig sa National Capital Region (NCR) hanggang sa susunod na taon.