Pasado na sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms ang “substitute bill” para sa panukalang ipagpaliban sa unang Lunes ng December 2023 ang Barangay at Sangguniang Kabataan o SK Elections na nakatakda sa December 5, 2022.
11 miyembro ng komite ang bomoto pabor sa panukala at committee report hinggil dito at walang tumutol.
Base sa panukala, ang mga mananalo sa nabanggit na barangay eleksyon ay pormal na uupo sa pwesto sa January 1, 2024 at Matapos ito ay magkakaroon ng Barangay at SK Elections, kada-tatlong taon.
Nakapaloob din sa panukala na ang kasalukuyang mga opisyal ng barangay at SK, ay mananatili sa pwesto hanggang sa makapaghalal ng mga bago maliban na lamang kung sila ay naalis o suspendido.
Karamihan sa mga may-akda ng panukala ay pabor na gamitin muna sa pagtugon sa COVID-19 pandemic ang nakalaang pondo ngayong taon para sa Barangay at SK elections.
Sabi naman ni Committee Chairman Representative Maximo Dalog Jr., isasalang muli nila ang panukala sa House Appropriations Committee para sa usaping pagpopondo, bago ito tuluyang i-akyat sa plenaryo ng Kamara.