Manila, Philippines – Nagpahayag ng matinding pagtutol sina minority Senators Franklin Drilon, Bam Aquino at Kiko Pangilinan sa panukala na muling ipagpaliban ang barangay at Sangguniang Kabataan o SK elections na nakatakda sa buwan ng Oktubre.
Ayon kay Drilon na tumatayong minority leader, naipagpaliban na ang nakaraang brgy. at SK Elections kaya dapat mabigyan na ngayon ng pagkaktaon ang taongbayan na pumili ng gusto nilang local leaders.
Katwiran naman ni Senator Aquino, higit na kailangan ngayon ng pamahalaan ang mga bata at masisipag na lider upang makatulong sa pagbabago.
Ang paghalal aniya ng bagong SK leaders ay paraan para mapigilan ang dumaraming mga kabataan na nagtutungo sa lansangan habang ang iba naman ay gumagamit ng social media upang iparating ang kanilang mga hinaing at opinyon sa mahahalagang isyu.
Para kay Sen. Bam, tama na ang walong pagpapaliban ng halalan at ipatupad na ang Republic Act No. 10742 o ang SK Reform Act para makahubog na ng bagong uri ng lingkod-bayan para sa mas magandang bukas.
Katwrian naman ni Sen. Pangilinan, Hindi tamang muling mapagkaitan ng karapatan ang ating mga kababayan na makapili at makapaghalal ng gusto nilang mamuno sa kanilang barangay.