Panukalang pagpapaliban sa pagbabayad ng student loans, aprubado na sa House Committee Level

Lusot na sa House Committee on Disaster Resilience at House Committee on Higher and Technical Education ang mga panukalang naglalayong suspindihin ang mga pagbabayad ng student loan sa panahon ng kalamidad at iba pang kagipitan.

Kabilang dito ang mga panukalang magkakahiwalay na inihain nina Manila Rep. Ernesto Dionisio Jr., Quezon City Rep. Juan Carlos “Arjo” Atayde at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez.

Nakapaloob sa mga panukala ang moratorium sa pagbabayad ng lahat ng fee, charges at iba pang bayarin na kaugnay sa student loans at technical-vocational training institutions tulad ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education o UniFast sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad at emergencies.


Benepisyaryo nito ang mga estudyante sa mga lugar na nasa state of calamity or emergency, gayundin ang mga naka-enroll sa state universities and colleges, local universities and colleges, at sa mga pribado o pampublikong higher educational institutions at technical vocational.

Ayon kay Dinagat Islands Rep. Alan Ecleo, chairman ng Committee on Disaster Resilience, kapag naisabatas ay malaking tulong ang panukala para maibsan ang pinansiyal na pasanin ng mga pamilyang Pilipino lalo na ang mga walang kabuhayan at matatag na pinagkukunan ng kita.

Facebook Comments