Nanawagan ang Department of Education (DepEd) sa mga lokal na pamahalaan na magpatayo ng mga permanent evacuation centers.
Kasunod ito ng insidente ng pagkasira ng ilang kagamitan sa classroom sa isang paaralan sa Muntinlupa City na ginamit na evacuation center noong kasagsagan ng Bagyong Paeng.
Ayon kay DepEd Spokesperson Atty. Michael Poa, layon din nito na hindi maantala ang pasok ng mga estudyante sa tuwing pagkakatapos ng kalamidad.
“Of course sa atin po, ang panukalang ‘yan is something that is favorable to the DepEd para po hindi nagagamit ang mga school natin. Kaya nga po as a matter of policies tayo sa DepEd, nung naglabas tayo ng ating DepEd order for suspension of classes, nakasaad din po doon na yung mga paaralan na gagamiting evacuation centers, hindi pwedeng lumampas ng 15 days,” ani Poa sa panayam ng RMN DZXL 558.
Samantala, nakikipag-ugnayan na ang DepEd sa field office nito sa Muntinlupa upang alamin kung ano ang posibleng pananagutan ng nasa likod ng paninira ng classroom at kung sino ang dapat na magpagawa nito.
“I’m still trying to talk to our field operations kung ano talaga ‘yong policy pagdating sa paninira,” ani Poa.
“Ang nasabi lang po sa’kin sa ngayon, kapag nagagamit kasi siya nung time na meron tayong pandemya, ‘pag may nasira naman po, LGU yung sumasagot. But in this case, I honestly cannot give you a categorical answer right now. Pinapa-research pa po natin kung ano talaga yung sagutin dyan,” saad pa ng opisyal.
“Ofcourse we have a legal recourse against the person na nanira niya. But it is something na parang, theoretical na lang po kasi syempre yung evacuees po, e talagang nasalanta rin talaga ng bagyo,” dagdag niya.
Bago ito, nagpahayag ng pagkadismaya si Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon sa pagsira at pagsalaulang ginawa ng mga evacuees sa dalawang silid-aralan ng Cupang Senior High School bukod pa ang mga basurang iniwan sa paligid ng paaralan.
Nabatid na hanggang sa ngayon, ilang paaralan pa rin sa bansa ang ginagamit na evacuation centers kasunod ng pananalasang Bagyong Paeng.