Lusot na sa first and final reading ng Senado ang Senate Bill number 2232 o panukalang batas na nagtatakda ng tax regime para sa Philippine Offshore and Gaming Operators (POGO).
Nakapaloob sa panukala na papatawan ng 5% gaming tax ang gross gaming revenue o receipts ng mga POGO at oobligahin din ang mga ito at service providers na mag-remit sa gobyerno ng 25% na withholding tax ng kanilang mga empleyado.
Ayon kay Committee on Ways and Means Chairperson Senator Pia Cayetano na siyang sponsor ng panukala, P28.7 billion ang inaasahang makokolekta ng pamahalaan mula sa POGO na maaaring magamit pantugon sa pandemya.
17 ang mga Senador ang bumoto pabor sa panukala, habang tatlo ang kumontra na kinabibilangan nina Senators Risa Hontiveros, Senator Kiko Pangilinan at Senate Minority Leader Frankling Drilon.
Giit Hontiveros at Pangilinan, sa halip buwisan ay dapat paalisin na ang POGO sa Pilipinas dahil hindi sulit ang kita dito na ang kapalit ay panganib ng seguridad ng bansa mula sa China at malalagim na krimen.
Kanilang idiniin ang pagkakasangkot ng POGO sa umano’y panunuhol sa Bureau of Immigration, prostitusyon, pagpatay, money laundering, human trafficking, online fraud at tax evasion.