Panukalang pagtatalaga ng mental health professionals sa mga paaralan, lusot na sa Kamara

Inaprubahan na ng mababang kapulungan sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 6574, o panukalang Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act.

272 mga kongresista ang bomoto pabor sa panukala na layuning isulong ang emosyonal, sikolohikal at kalusugang pangkaisipan ng mga mag-aaral at mga guro, upang kanilang mapaunlad ang kanilang silid-aralan at kahandaan sa pag-aaral.

Itinatakda ng panukala ang pagtatatag ng mental health and well-being offices sa kada school division na mapapasailalim sa pamamahala ng Department of Education (DepEd).


Ito ang magtatalaga ng mga mental health professionals sa pampublikong paaralan sa elementary at sekondarya gayundin sa mga vocational institution, at tanggapan ng DepEd.

Sa ilalim ng panukala ay titiyakin din ang pag-hire ng sapat na mental health professionals na bibigyan ng sweldong hindi bababa sa Salary Grade 16.

Ia-adjust din ang minimum requirement para sa pagkuha ng mental health professionals kaya sa halip na master’s degree holders ay maaari na ring tanggapin o i-hire ang mga graduate ng mga kurso na may kaugnayan o kahalintulad dito.

Pero may kondisyong kukuha sila ng masters degree sa loob ng dalawang taon at papasa sa board exam pagkatapos ng tatlong taon.

Facebook Comments