Ngayong may pandemya ang tamang panahon para maipasa ang panukala para sa pagtatayo ng Department of Overseas Filipino Workers (DOFW).
Pahayag ito ni Senator Christopher Bong Go, sa harap ng lumalaking bilang ng mga umuuwing OFWs na nawalan ng trabaho dahil sa COVID-19 pandemic.
Tinukoy ni Go ang anunsyo ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na inaasahang aabot sa 300,000 OFWs ang babalik sa bansa.
Nabatid na 27,000 sa mga ito ang nakauwi na habang 43,000 OFWs naman ang inaasahang darating ngayong Hunyo.
Ipinaliwanag ni Go na mas maisasaayos ang mga programa at serbisyo ng gobyerno para matulungan ang mga apektadong Pilipino kung mayroong sariling departamento na mamamahala sa mga pangangailangan ng OFWs.
Ayon kay Go, layunin ng panukala na matutukang mabuti ng Department of Labor and Employment ang domestic labor concerns habang ang DOFW naman ang magiging bahala sa mga OFWs tulad ng mga naapektuhan ng COVID 19 crisis.