Isinulong ni 1-PACMAN Party-list Rep. Mikee Romero ang panukalang pagtatatag ng Department of Sports o DOS na siyang tututok sa larangan ng palakasan sa bansa.
Sa ilalim ng inihaing House Bill 335 ni Romero ay pinapabuwag na ang Philippine Sports Commission.
Papalitan ito ng DOS na siyang mangunguna sa pagpapatupad ng mga polisiya para mapaunlad ang mga programa sa palakasan tulad ng health fitness program gayundin ang pagpapahusay sa performance ng mga atletang Pinoy sa mga international competition.
Ang DOS din ang maglalatag ng solusyon sa mga problema sa Philippine sports tulad ng kawalan ng isang komprehensibong national sports program, ugnayan sa pagitan ng iba’t ibang sektor, mga lumang training methods at kawalan ng dekalidad na training equipment at facility.
Kapag naisabatas ang panukala ni Romero ay P500 million ang paunang pondo na ilalaan dito na kukunin sa national treasury habang ang mga susunod na funding ay isasama na sa taunang pambansang pondo.
Para kay Romero, panahon na para iprayoridad din ng gobyerno ang sports bilang mahalagang bahagi sa pagbuo ng bansa.