Cauayan City – Dismayado si Cagayan Governor Manuel Mamba sa muling pagkabinbin ng panukalang pondo ng probinsya para sa taong 2025,
Ayon kay Gov. Mamba, hanggang ngayon ay hindi pa naipapasa ng Sangguniang Panlalawigan ang nasabing pondo sa pangunguna ni Vice Governor Melvin Vargas.
Dagdag pa niya, sa loob ng siyam na taon niyang panunungkulan, hindi pa nagkaroon ng pagkakataon na maaprubahan ang badyet ng probinsya sa tamang oras.
Aniya, ang ganitong pagkaantala ay nagdudulot ng malaking epekto sa implementasyon ng mga programang nakalaan para sa mga Cagayano.
Binanggit din ni Gob. Mamba na tila ginagamit ang pondo para sa pansariling interes ng ilan at isinasantabi ang kapakanan ng mga mamamayan.
Dahil sa pagkaantala, re-enacted budget mula 2024 lamang ang magagamit, na limitado sa pasahod sa mga kawani at ilang mahahalagang gastusin.
Batay sa datos, ilan sa mga naantalang badyet ay ang para sa 2017 na naaprubahan noong December 11, 2017, at ang 2024 badyet na naipasa lamang noong February 19, 2024.