Alas-10:00 ngayong umaga ay nakatakdang isumite ng Malacañang sa Mababang Kapulungan ang panulalang 2023 National Budget na nagkakahalaga ng ₱5.268 trillion.
Ang pagsusumite sa Kamara ng National Expenditure Program o Proposed 2023 National Budget ay pangungunahan ni Budget Secretary Amenah Pangandaman.
Tatanggapin naman ito ni House Speaker Martin Romualdez, Majority Leader Manuel Jose “Mannix” Dalipe, Minority Leader Marcelino Libanan, House Committee on Appropriations chairman at Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co kasama ang senior vice chairperson ng komite na si Marikina City Rep. Stella Luz Quimbo.
Kaakibat ng naturang panukalang pambansang budget na isusumite sa Kongreso ay ang mensahe ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa mga mambabatas at sa buong bansa.