Inaprubahan na ng Senate Committee on Public Services ang panukalang batas na nagbibigay ng panibagong 25-taong congressional franchise sa DITO Telecommunity Corporation o DITO Telecom.
Ang mosyon para aprubahan ang panukala ay isinulong ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri sa pagdinig ng komite na pinamumunuan ni Senator Grace Poe.
Sinang-ayunan ni Poe na mabigyan ng prangkisa ang DITO Telecom makaraang makatupad ito sa lahat ng requirements sa unang taon ng aplikasyon para makakuha ng prangkisa.
Kumbinsido rin si Poe na napiling third-player ang DITO Telecom makaraang lumabas sa evaluation na kaya nitong makipagkompetensya sa dalawang major telecommunication companies sa bansa.
Sa pagdinig ay sinabi ng DITO Telecom na naabot na nito ang 45% population coverage na higit sa required na 37%.
Ang DITO Telecom ay pag-aari ng Udenna Corporation ng negosyanteng si Dennis Uy at ang congressional franchise nito na mapapaso sa 2023 ay sa pamamagitan ng Mindanao Islamic Telephone Company o Mislatel.
Binigyang diin naman ni Poe sa DITO Telecom na ang prangkisa ay isang pribelehiyo at hindi karapatan at kaakibat nito ang katuparan ng pagbibigay ng mahusay na serbisyo sa publiko.