Panukalang Sampung Araw na Service Incentive Leave, Pumasa na sa kamara!

*Cauayan City, Isabela*- Pasado ngayon sa House Committee on Labor and Employment ang sampung araw na service incentive leave para sa lahat ng mga empleyado ng pampribadong kumpanya.

Sa eksklusibong panayam ng RMN Cauayan kay Cagayan 3rd District Congressman Randolf Ting, ang Chairman ng House Committee on Labor and Employment, naipasa na umano ito sa kanilang komite at hinihintay na lamang ang bersyon ng senado kaugnay sa naturang panukala.

Marapat lamang umano na mabigyan ng sapat na panahon ang mga empleyado upang makapagpahinga ng maayos mula sa dating limang araw na leave hanggang sa maging sampung araw kung magiging batas ang kanilang panukala.


Ito ay para lamang umano sa mga emepleyado ng mga pribadong kumpanya na hindi pa nakakatanggap ng sampung araw na service incentive leave.

Bukod pa rito ay naipasa na rin umano sa kanilang komite ang isa pang House Bill na kanilang ipinapanukala hinggil sa pagbabawal ng pag-aanunsyo sa mga job vacancies ng mga kumpanya sa mga bakanteng trabaho na kinakailangan lamang ang lalaki.

Layunin umano nito na maiwasan ang diskriminasyon sa pagitan ng mga kababaihan at kalalakihan dahil marami na umano ngayon ang mga trabahong kaya ring gampanan ng mga kababaihan.

Samantala, base naman sa inihayag ni senate President “Tito” Sotto sa senado na mainam umanong dagdagan ng isang buwan ang mga empleyado para sa 14th month pay ay ipinaliwanag ni Cagayan 3rd District Congressman Randy Ting na mas mainam munang pag-aralan ito ng mabuti kasama ang mga Financial Economic Managers dahil maaari umanong makapagpalala ito sa inflation na nararanasan ngayon ng ating bansa.

Facebook Comments