Sa botong pabor ng 21 mga senador ay lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ang Senate Bill No. 1947 o Judiciary Marshals Act.
Layunin ng panukala na masiguro ang kaligtasan ng mga miyembro ng hudikatura at kanilang mga pamilya.
Sa pamamagitan ito ng pagbuo ng Office of Judiciary Marshals ay tutugon sa pag-atake sa mga huwes, abogado at court personnels at popondohan ito ng inisyal na P50 million.
Ang Judiciary Marshals ay pamumunuan ng Chief Marshal na itatalaga ng Supreme Court en banc at may tatlong deputy marshals na ia-assign sa Luzon, Visayas at Mindanao.
Sa ilalim ng panukala ay inaatasan ang Judiciary Marshals na gumawa ng threat assessment at mag-imbestiga sa mga krimen na ginawa sa mga miyembro ng hudikatura at court property.
Base sa panukala, may kapangyarihan din ang Judiciary Marshals na magsiyasat sa mga isyu ng graft and corruption kung saan sangkot ang mga miyembro ng hudikatura.
Pupwede rin itong mag-aresto, gumawa ng search at magkumpiska alisunod sa Konstitusyon.