Tututulan ng makabayan ang isinusulong sa Kamara na pagbibigay ng special powers kay Pangulong Duterte para mapadali ang mga build build build projects ng administrasyon.
Ayon kay Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate, haharangin nila ang pagapruba sa panukala dahil hindi naman na kailangan ang emergency o special powers sa pangulo para lang mapabilis ang mga proyekto.
Magreresulta lamang aniya ito sa pagpapadali sa demolisyon ng mga bahay at pagpapaalis sa mga mahihirap na maaapektuhan sa kanilang mga itatayong imprastraktura.
Tinawag naman ni Act Teachers Rep. France Castro ang BBB projects na kamay na bakal dahil malalaking korporasyon at kumpanya lamang ang makikinabang sa mga itatayong proyekto at marami sa mga mamamayan ang masasagasaan.
Sa halip na build build build, ang dapat aniyang tututukan ng gobyerno ay ang problema sa security of tenure, dagdag na sweldo, at ang pagbasura sa rice tariffication law na pumapatay ngayon sa kabuhayan ng mga magsasaka.